Orasan…umiikot, umaawit…tumutunog
Gumagabi, umaaraw, sa dahan-dahang pag-ikot
May kamay na naghuhudyat, ng oras na sunod-sunod
Sa bawat galaw ng kamay, iba’t-iba ang nagaganap
Sa mundong umiinog.
Paano nga ba ibabalik, ang kamay ng orasan?
Ang sandaling kapiling ko, ang mga minamahal
Mga anak na minumutya, asawang pinaglilingkuran
Buo at masaya, salat man sa yaman.
Ngunit sa hangaring, ang buhay ay maiangat
Maihandog ang magandang bukas, sa anak na nililiyag
Ibang bansa’y pinangarap, pilit na hinangad
Upang hirap na dinaranas, di na lagging kayakap.
Ngunit sa paglipas ng panahon, sa pagtakbo ng orasan
Isang dagok sa buhay, sa akin ay dumatal
Asawang itinangi, minahal ng lubusan
Nagmahal sa iba, at ako’y iniwan.
Ang pinakamasaklap, ang inspirasyon ng pagsisikap
Ang kadluan ng pagtitiis, at ibayong paghihirap
Hindi ko na nakita, hindi ko na mayayakap
Pagkat supling ko’y inilayo, nasaan kayo mga anak?
Salaping naipon, kapalit ng kalupitan
Sa among sakim, bawat segundo’y gahaman
Bawat trabaho ko, kanyang inoorasan
Kapag ako’y sumala, galit n’ya ang makakamtan.
Wala na ang salapi, wala na rin ang minamahal
Nawalan ng saysay, tiniis na kaapihan
Sinisisi ang sarili, sa pangarap na inasam
Ito ba ang kapalarang, bigay sa ‘kin ng maykapal?
Kailan hihinto, ang takbo ng orasan?
Kailan babalik sa kahapong iniwan?
Kailan maririnig, ang tunog na mainam?
Kailan ang oras, anak ko’y masisilayan?
Ako ngayo’y isang orasang, patuloy na lang sa pag-ikot
Nabubuhay sa damdaming, punong-puno ng kirot
Sa bawat Segundo, bawat minuto, at sa bawat oras na pag-inog
Pakiramdam ko’y pawing gabi, walang liwanag na dulot.